Adik


Mang-iinggit lang ulit ako sa mga gaya kong adik sa librong naka-sale. Noong isang linggo lang, nabanggit ni Mitch na "nagalit" ako dahil hindi niya dinampot ang The Reluctant Fundamentalist ni Mohsin Hamid na nakita niya sa National sa Glorietta. Well, kanina, pagkagaling ko sa Fitness First (ikalawang pagji-gym ko pa lang ngayong buwan! napeperahan lang talaga ako ng FF), dumaan ako sa National Bookstore at naghalungkat sa mga mesa nila ng mga librong naka-bargain. At bumilis ang tibok ng puso ko nang makita ang hardcover na kopya ng libro ni Hamid. 99 pesos. Noong isang taon ko pa ito gustong mabasa dahil nabanggit ni Sir Marx na may mga kabanata sa nobela na naka-set dito sa Pilipinas. Ngayong natapos ko na ang The Brief Wondrous Life of Oscar Wao ni Junot Diaz (magkakaroon ako ng mahaba-habang post tungkol dito), ito siguro ang isusunod ko, samantalang binabasa ko pa rin ang Don Quixote.

Maliban sa Reluctant, nabili ko rin nang tigna-99 pesos ang mga hardcover na: Thirteen Moons ni Charles Frazier (naalala ko sa mga balita noong bago pa ito lumabas na nakatanggap ng MALAKING advance pay si Frazier para rito, pagkatapos ng tagumpay ng kaniyang Cold Mountain); Consequences ni Penelope Lively; at Before the Frost ni Henning Mankel (na naalala ko ang pangalan mula sa 1001 Books You Must Read BYD--pero Faceless Killers pala ang akda niya na naroon, na sa palagay ko'y nakita ko sa Pick-a-Book bago ako nag-FF). Bukod doon, binili ko na rin ang hardcover na The Book Thief ni Markus Zusak, 160 pesos dahil sa palagay ko'y mahalagang mabasa ko iyon para sa proyekto ko ngayon.

Bago nga ako nag-Fitness First, nauna na nga akong dumaan sa Pick-a-Book at Booksale sa lower ground ng Robinsons. May nadampot din ako, tig-isa. Sa PAB, ang To Know a Woman ni Amos Oz (95 pesos) at sa Booksale, The One Facing Us ni Ronit Matalon (120 pesos, hardcover), parehong salin sa Ingles mula sa mga orihinal na Hebrew.

At kumusta namang pag-uwi ko rito sa bahay, pagbukas ng email, isa sa mga unang nabasa ko ay ang imbitasyon sa Multiply ng Book City, na nagtitinda rin umano ng secondhand books. Pero wholesale ang pagbili (minimum ng 100 piraso!), at nang inisa-isa ko ang folders, wala akong nagustuhan.