Mga Bagong Libro nina Khavn, Toledo & Cruz

Kauuwi ko lang mula sa booklaunch ng mga libro ni Khavn na ka-back2back na rin ng Happy Mondays XXXIV sa Mag:net Katipunan. Ang totoo, apat pa lang ang nagbabasa--sina Doc Bien (Lumbera), Ma'am Beni (Santos), Charlson (Ong) at Ka Pete (Lacaba)--nang umexit na ako dahil hindi ko na talaga kaya ang sikip at usok sa loob, bukod pa sa pangungulit ng sinok ko dahil sa panibagong round ng Pred 20 na inireseta sa akin ng ENT ko.

Kagaya ng karaniwang booklaunch, marami-raming manunulat/alagad ng sining na naroon, gaya nina Joel (Toledo, na siyang may pakana ng Happy Mondays sa Mag:net) at Chingbee (Cruz)--na parehong nag-launch ng kani-kanilang aklat ng tula nitong nagdaang linggo pero parehong hindi ko nadaluhan dahil nga sa sakit ko. Pero dahil available din sa Mag:net ang mga libro nila, binili ko na rin para makapagpapirma na--kaya medyo malaki-laki rin ang nagastos ko para sa apat na libro--kahit pa mukhang hindi ko muna matututukan ang mga ito ngayon dahil nga sa pagbabasa ko ng mga nobela at tungkol sa mga nobela para sa aking disertasyon. (Naibahagi ko rin nang bahagya kina Doc Bien at Sir Roland Tolentino ang balak ko para sa disertasyon at kahit pahapyaw mabuti't nakita naman nila pareho na may bago akong gustong gawin sa proyektong ito. Sa susunod na sem kung saan magiging teacher ko si Sir Jun Cruz Reyes, pagbabasahin daw niya kami ng 100 aklat sa MP 398--mukhang mapupuwersa talaga akong panindigan ang binabalak ko para sa disertasyon kung may mga ganitong magpupursige sa akin.)

Narito ang mga librong naiuwi ko ngayon:

  1. Khavn, Ultraviolins (Quezon City: The University of the Philippines Press, 2008), 214 pp.
  2. Khavn De La Cruz, Guhit ng Talampakan/ Lines on the Sole (Manila: UST Publishing House, 2008), 301 pp.
  3. Joel M. Toledo, chiaroscuro: poems (Manila: UST Publishing House, 2008), 60 pp.
  4. Conchitina Cruz, elsewhere held and lingered (Quezon City: High Chair, 2008), 81 pp.
Sa dedication ni Chingbee: "Para Kay Egay, Kasama kong makukulong kung pumasa ang porn bill!" Mabuti't naroon din si Mikael (Co), na nasa staff ngayon ni Mar Roxas at nagsasabing malabong maipasa ang absurdong bill na iyon ni Manny Villar na magbubura sa sining sa Pilipinas.

Suportahan ang Panitikang Filipino! Kung hindi makabili ng mga bagong aklat, manghiram, magbasa!