Mandirigma, Alipin, Bilanggo ang Nobelista

Bago ang salin ni Smollett ng Don Quixote, nagsulat muna siya ukol sa buhay ni Cervantes--isang pagkilala na laging nauuna ang nobelista kaysa sa kaniyang akda, ang mangangatha bago ang katha. Bukod dito: na laging kakabit ng tao ang bayan niyang pinagmulan, at ng nobelista ang pagiging dalubhasa niya sa sariling wika. Kastila sa kaso ni Cervantes. (Kaya't paano natin haharapin na isinulat ni Rizal, halimbawa, ang Noli at Fili sa Kastila at hindi pa niya tinapos ang ikatlong nobelang sinimulan niyang isulat sa Tagalog dahil nahihirapan na umano siyang gamitin itong sarili niyang wika?) Na para bang ang mga ito ay magbubunyag ng ilang susi sa pag-unawa sa nobela. Kaya naman, sasabihin ni Smollett na may ilang detalye sa nobela na nag-uugat sa mga pakikipagsapalaran ni Cervantes sa totoong buhay (xxvii).

Bilang isang mandirigma na kabilang sa tagumpay ng digmaan sa Lepanto laban sa mga Turko, naputol ang kaliwang kamay ni Cervantes (xxvii). Noon namang 1574, dinala siya sa Algiers at ibinenta sa isang Moro upang maging alipin sa loob ng lima at kalahating taon (xxix). Pagkatapos, nakulong din siya dahil sa ilang pagkakautang (xxxiv). Sinasabing sa bilangguan niya nasulat ang Don Quixote. Sa mga ito, naipapakita na napakamakulay ng buhay ng manunulat--sa harap ng ilang suliraning praktikal, gaya ng digmaan, pera, pananalig.

Nang malimbag ang unang tomo ng Don Quixote, tinangkilik talaga ito ng mga tao at sinasabing umabot sa 12,000 kopya ang naimprenta bago pa man ilimbag ang ikalawang tomo (xxxv). Nagkaroon na rin agad ito ng salin sa iba't ibang wika sa Europa noon. Subalit hindi lamang popular, kundi kritikal din ang naging pagtanggap sa akda ni Cervantes. Ano pa ang hahangarin ng isang manunulat? (Paulit-ulit kong sinasabi na ganito ang naging gayuma sa akin ng mga gaya ni Haruki Murakami na binabasa ng karaniwang tao subalit pinahahalagahan din ng mga kritiko.) Nagsimula at nagpatuloy ang nobela dahil mayroon itong mambabasa, may panahon ang mga mambabasa para rito. Pero sa kasalukuyan, ilan kaya ang kasabay kong nagbabasa ng Don Quixote sa iba't ibang salin nito sa buong daigdig? Ang katapusan ba ng anumang anyo, gaya ng nobela, o ng anumang akda, gaya ng Don Quixote, ay kapag nagsara na ng aklat ang huling mambabasa nito at wala na muling nagbuklat pa?