Anong Kalokohan Ito?


Nagsimula ang pagkabaliw ko nang bigla kong naisip na magbabasa ako ng 909 na nobela ng 909 na iba’t ibang nobelista. Bigla. Dahil wala namang kinalaman sa nobela at pagbabasa ang ginagawa ko noon. Linggo nang hapon, 17 Agosto 2008, at nasa kalagitnaan ako ng panonood ng Chicks ni Philip San Jose (hindi ko kilalang direktor)—at pinagbibidahan ng batang-bata pa noong sina Lorna Tolentino, Rio Locsin at Amy Austria—na kada-download ko lang sa BitTorrent. Tapos, pumasok nga iyon sa isip ko: ano kaya’t magbasa ako ng nobela—at ng 909 na nobelista, dahil isinusulat ko na ang ikalawa kong nobela, ang Ang Kasunod ng 909 na balak ko ring maging disertasyon para sa Ph.D., kaya kaysa 100 nobelista, gaya ng ginawa ni Jane Smiley sa 13 Ways of Looking at the Novel na binabasa ko ngayono 1001 aklat, gaya ng inisa-isa ng 1001 Books You Must Read Before You Die na nabasa ko na rin (bagaman nag-uulit ang mga manunulat—10 ang kay Charles Dickens at 9 ang kay Paul Auster, halimbawa—at marami akong gustong nobelista na wala roon—gaya ni Carlos Fuentes—at siyempre, wala ring Filipinong nobelista roon), bakit nga hindi 909, lalo pa’t Ang Kasunod ng 909 nga ang pamagat ng nobelang isinusulat ko ngayon, bagaman wala (pa) naman iyong kinalaman sa pagbabasa ng nobela.

Balak ko kasing imbes na sanaysay sa aking malikhaing proseso ang gawing pambungad sa nobela para sa disertasyon, mga pagmumuni tungkol sa sining ng nobela ang isusulat ko. At gusto kong magmuni ukol sa sining ng nobela nang may pagsasaalang-alang sa mga nobela ng daigdig (at hindi ng kanon ng kanluran lang) nang may espesyal na diin, siyempre, sa mga nobelang Filipino. Ganito ang ginawa ni Kundera, halimbawa, sa pagpapakilala niya kina Kafka, Gombrowicz, Musil at Broch, nagmula lahat sa Gitnang Europa kung saan siya nagmula, bilang mahahalagang nobelistang moderno—sa tradisyon ng mga kinikilala nang kanon ng kanluran, gaya nina Cervantes at Rabelais, katapat ng iba pang manunulat na karamiha’y nagsusulat nga sa Ingles.

Gayumpaman, bunga ng mga sarili kong limitasyon, hindi maiiwasan dito na ang mga nobelang maisasali ko ay iyon pa rin lamang mga nobelang may salin na sa Filipino o Ingles, dahil iyon lang ang mga wikang nababasa ko (kay-liit na daigdig!). Sisikapin ko namang maghagilap ng mga nobela mula sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo pa mula sa mga bayang hindi pa hayag na bahagi ng kamalayan ko sa kasalukuyan, at nauna ngang naisulat sa mga wikang ni hindi ko pa naririnig.

Siguro nama’y aabot sa 909 ang mahahalagang nobelista sa daigdig na naisalin na sa Ingles ang isa man lamang sa kanilang akda. Ang pangunahing hamon sa akin ngayon, paano ipoposisyon dito ang mga nobelang Filipino? Kung mayroon man akong isang inaasahan: Na magdidiyalogo ang mga nobelang ito sa akin sa bawat sandali ng pagbabasa—na payayamanin ng kasunod ang mga nauna, ang mga nahuli ng nabasa na, hanggang higit na tumining sa akin ang mga pagkilala sa nobela bilang anyo na patuloy na inaakda ng mga manunulat sa daigdig, sa kabila ng hamon ng pamumuhay na moderno at postmoderno, ng kulturang popular, ng mass media, ng gutom, ng mga bagong sakit, ng mga karahasan, at ng pangunahing demonyo sa buhay na ito: ang kakulangan ng oras para sa lahat ng kailangan at hindi-gaanong kailangang gawin.

Mahirap ding magpasya lalo pa kung marami kang gustong nobela ng isang nobelista. Alin sa mga nobela ni Garcia Marquez, ni Kundera, ni Murakami, ni Reyes? Kailangan kong magbasa ng mga rebyu at kritisismo, tumingin sa internet sa mga profile nila (Wikipedia!), at sa mismong rekomendasyon ng ibang manunulat. Maliban sa 1001 Books at aklat ni Smiley, mayroon ding 99 Novels si Anthony Burgess, pero nasa Ingles lahat iyon. Hindi naman nobela lang ang tuon ng “Syllabus” ni Donald Barthelme. Sa ngayon, maaari akong magsimula sa mga institusyon na kumikilala na sa kahusayan ng mga manunulat (bagaman kailangang manatiling malay sa politika at mga problematiko ng mismong mga institusyon na ito), gaya ng Nobel at Booker. Mainam ding lunsaran ang mga manunulat sa talaan ng Contemporary Writers, The Modern Word at Guardian, at lalo pa ang mga manunulat na nasa Complete Review na may partikular na diin sa mga akda ng mga manunulat na isinalin lamang sa Ingles. (May iba pa ba kayong rekomendasyon na site? Mag-post o mag-email naman kayo sa akin!)

Gayumpaman, imbes na hindi magkandaugaga sa kung alin ang mga uunahin sa lahat ng ito, may praktikal namang proseso: Magsisimula ako sa sarili kong aklatan, sa mga libro na may personal na akong kopya, lalo pa’t balak kong angkinin talaga ang mga ito at sulatan ng mga tala, gaya ng naaalala kong rekomendasyon ng serye ng Great Books. May kritikal na sipat at taya rin sa palagay ko ang ganitong proseso, lalo pa’t may sariling kasaysayan ang pagkatagpo ko sa mga aklat na ito na alinman sa nagmula sa iba’t ibang bookstore at binili nang pagkamahal-mahal pero hindi pa rin nababasa hanggang ngayon, o nadampot sa madalas na pagdalaw-dalaw sa iba’t ibang branch ng Booksale at iba pang lugar kung saan may nagba-bargain na libro (marami akong natatagpuan sa mga ito na mahahalaga palang manunulat pero hindi ko kilala dati at ni walang kopya ng libro kahit sa Rizal Library sa Ateneo), o mula sa iba’t iba ring mga kakilala (karamiha’y kapwa-manunulat) na nagbebenta ng librong hindi na nila kailangan. Nakalulungkot na marami rin akong naipagbili sa iba’t ibang panahon ng pangangailangan ng pera at pangangailangang huminga sa patuloy na sumisikip na espasyo sa aking cubicle sa Kagawaran at dito sa bahay.

Batay sa karanasan ko na ng pagbabasa, may mga araw na hindi ako makapagbabasa man lang. May mga araw na masisimulan ko ang isang nobela pero hindi ko matatapos sa araw ding iyon. May mga nobela na ilang araw (o puwedeng linggo!) bago ko matapos. May mga araw din na maaaring makatapos ako ng dalawa o higit pang nobela. Ang pagkakaiba lang siguro ngayon, mas masigasig ako, mas may tuon sa pagbabasa—na sa pagitan ng pagbabasa at panonood ng TV at pelikula at iba pang gagawin, lagi kong uunahin ang pagbabasa. At sa lahat ng puwedeng basahin, nobela na muna. At hindi na muna ako magpapatuksong maglunoy sa isang nobelista at basahin ang lahat ng mga nobela niya—gaya ng ginawa ko kina Murakami, Kundera at Mitchell. Sa ngayon, isang nobela bawat nobelista muna. 909 na nobelista nga kasi ang puntirya ko, at hindi basta 909 na nobela. Isang hamon ito ng pagbabasa na maaari pang makapagbasa nang tuloy-tuloy sa daigdig sa kasalukuyan kung saan napakarami ng iba pang dibersiyon, ng iba pang kailangang gawin at maaaring pagkaabalahan (o pag-ubusan ng oras samantalang naghihimutok na kulang ang oras sa maghapon).

Pero siyempre, kung 909 na nobela iyon, ipagpalagay nang isang nobela isang araw (na imposible ngang mangyari), halos tatlong taon din iyon. E balak kong matapos na ang Ph.D. ko nang Marso 2010, o kahit hanggang Mayo 2010 (kahit siyempre pa, hindi naman laging natutuloy ang lahat ng balak). Kaya mukhang imposible iyon. Ang back-up, kapag nagipit talaga (sa ngayon, ayoko munang isuko ang bilang na 909), isasama ko sa 909 ang mga nobelistang nabasa ko na bago ko pa man sinimulan ang proyektong ito. Marami-rami na rin iyon. Kung gayon, hindi sila ang priority ko sa mga babasahin ko ngayon dahil nabasa ko na nga sila. Pero kung may panahon, babalikan ko rin sila. Gaya ng muling pakikipagtagpo sa isang kaibigan na nagturo sa akin ng maraming bagay. Pangako.

Sa ngayon, pagpapatuloy muna ng pagpapakabaliw ang blog na ito. Ibig sabihin, karamihan ng mga magiging tala ko rito ay bunga ng mga pagmumuni mula sa pagbabasa ng mga nobela na para nga sa kasabay ko ring isinusulat nang disertasyon. Sabi ng matatanda, ang kata-katayak, sukat makapagkati ng dagat. Kung magpapakalunod din lang ako, sa nobela ko na iyon gagawin.

2 Responses to Anong Kalokohan Ito?

  1. Saludo po ako sa iyo, sir!

    Isang mainit na pagbati. Mabuhay ka at ang iyong pamilya.

  2. Maraming salamat! :-)