Tolentino, Fernando, Marikina

Bago na pala ang address ng blog ni Rolando B. Tolentino. Nasa wordpress na siya ngayon. Ang pinakabago niyang entri na ipinost ngayon lang: "Paalala ni Bayani Fernando, Isinimento sa sidewalk":

At naaalala ko ang pagkaasiwa sa naglipanang pagmumukha ni Fernando sa mga billboard at tarpaulin sa Marikina na nadadaan-daanan ko araw-araw tuwing papasok at uuwi. At ano-ano nga ba ang health hazards na naidudulot ng mga tarpaulin na ito?


At sadyang hindi ko isinali si Fernando (si Bayani, at si MCF, ang mayor namin na noong nagdaang election e kitang-kita kong todo-kaway at todo-smile sa mga botante--at least, sa palagay niya--habang nagmomotorcade sa bayan ng Marikina, paliko sa kanto ng naghilerang tindahan ng pirated DVD kung saan isa ako sa mga namimili) o kung sino mang politiko sa nobela kong Walong Diwata ng Pagkahulog, kahit pa ang larawan ko ng lungsod dito ay Marikina--sa harap ng problematikong posisyon nito bilang lungsod sa isang lalawigan pero nakiki-Metro Manila.