Starstruck kay Abueg

Nakakaaliw ang mga ganitong blog entry tungkol sa hindi sinasadyang engkuwentro sa isang nobelistang Filipino, sa kasong ito, kay Efren R. Abueg, na kabilang sa Mga Agos sa Disyerto. Nakakatuwa hindi lamang ang inisyal na reaksiyon, kundi ang pasya sa dulo: dahil sa pagkakita sa manunulat, hahanapin niya ang mga akda ng manunulat na iyon at babasahin! O di ba? Kung ganito rin lang ang magiging reaksiyon ng bawat Pinoy, sa palagay ko'y magpapakita (huwag lang iyong mga nagrerest in peace na) naman ang lahat ng mga manunulat. Pero sadly, nasa panahon tayo na sina Judy Ann Santos ang kinahihimatayan at sinusubaybayan.

Ako rin naman, nang una kong makita si Abueg sa launch ng libro ni Eros (Atalia) sa UST nitong nagdaang taon lang, starstruck din. Lalo pa nang ma-confirm niya sa akin ng araw na iyon na 'yung Efren Abueg na nakasama ko sa dorm, sa Cervini noong bandang 2002-2003 e anak nga niya. Natutuwa ako na isa pa siya sa mga hurado nang manalo ang nobela kong Walong Diwata ng Pagkahulog para sa NCCA Writer's Prize noong 2005. Sana naigigiit sa mga klase sa high school na marami sa mga manunulat na nasa textbook ng mag-aaral e buhay na buhay pa at maaaring-maaari nilang makasalubong isang araw. Baka kahit paano'y makadagdag iyon sa sigla ng interes ng mga bata sa pagbabasa sa mga akda ng mga manunulat natin.

One Response to Starstruck kay Abueg

  1. Salamat! Sana sa simpleng paraan na ito, makahikayat tayo ng iba pang kabataan upang magbigay-pansin sa panitikang Filipino. :D