Mga Nagwagi sa UP Centennial Literary Awards

May anunsiyo na para sa mga nagwagi sa UP Centennial Literary Awards. Si Jose Rey Munsayac para sa Duguang Kamay sa Nilulumot na Pader at si Criselda D. Yabes para sa Below the Crying Mountain ang nagwagi sa kategorya ng nobela sa Filipino at Ingles. Gaganapin ang pagpaparangal sa Hulyo 8, 4:30 n.h. sa Pulungang Claro M. Recto sa UP Diliman.

Nabanggit ko kailan lang na nanghiram ako ng kopya ng dalawa sa mga nobelang entry sa awards mula kay Sir Jun (Cruz Reyes) dahil isa nga siya sa mga judge sa nobela, kasama sina Roland (Tolentino) at Ma'am Sol (Soledad S. Reyes)--at kasama roon ang nobela ni Munsayac! Ngayon, lalong nagkaroon ng dahilan para basahin ko na agad iyon. Sa pagkakaalala ko sa paglalarawan ni Sir Jun sa nobela ni Munsayac: dineconstruct umano ni Munsayac ang isang mito upang tanggapin natin bilang mito upang sa huli'y wasakin lang ulit iyon at ibalik na naman iyon sa pagkamito. Si Munsayac din ang co-winner ni Sir Jun sa Centennial Literary Prize noong 1998 para sa nobela niyang Ang Aso, ang Pulgas, ang Bonsai at ang Kolorum na naglarawan ng isa sa pinakamemorable na eksena ng panganganak sa panitikan na nabasa ko.

[Pagbati rin kay Jerry (Gracio) na nanalo naman sa tula at nakasama sa LIRA at sa UP National Writers Workshop noong nagdaang taon! Mabuhay ang mga bagong akdang Filipino!]