Maraming Buhay

Kapag pinag-iisipan ko ang buhay ko—at madalas kong gawin iyon, kahit habang kaharap ako ng iba, o nasa gitna ng iba pang ginagawa—lalo kong nakikita kung paanong nakasentro sa buhay ko ang ilang bagay: pagsusulat (ng tula, kuwento, sanaysay, nobela, blog entry—o kahit ano lang na ni hindi ko mapangalanan—hanggang sa maipalimbag o makabuo ng aklat—naniniwala pa rin ako sa bisa ng aklat: ibang mukha ng kapangyarihan na hindi mapapalitan nitong internet); pagtuturo—sa loob at labas ng Ateneo—at pag-aaral (at kung kailan at paano ako makakarating sa aking disertasyon); pagbabasa at panonood at pakikinig ng kung ano-ano at sa kung sino-sino; at pakikiharap sa buhay ng mga tao sa paligid (kahit hindi ko na alam ang hanggahan ng paligid, alam mo, dahil na rin sa hyper na realidad nitong web: marami na akong kilalang hindi ko naman kilala talaga at iyon nga, hindi ko na rin alam ang batayan ng mga pagkilala sa iba)—iyong mga iniibig, at kahit pa nga ang mga di-gaanong iniibig (gusto kong isipin na walang galit sa akin at hindi ako galit sa kahit kanino—pero hindi laging totoo ang gusto kong isipin; totoong nag-iisip ako pero hindi laging totoo ang laman ng iniisip ko—at huwag na nating simulan ang pagtatalo sa kung ano ang totoo—baka magkagalit lang tayo dahil doon). At madalas, natatawa na lang ako sa sarili kong mga pag-iisip. Nagkataon lang na mas gusto kong tumatawa kaysa umiiyak. Pero umiiyak pa rin ako paminsan-minsan. Malay mo, sabihin ko rin dito minsan ang mga dahilan.

Kaya naman, narito ang pagtatangka kong manimbang sa pagitan ng mga masasabi at hindi ko masasabi tungkol sa buhay ko—sa mga buhay ko. At habang tumatagal-humahaba ang mga buhay na iyon (bakit ganoon, parang ang layo nila sa akin), tatagal din ito—iyon ang inaasahan ko. Subalit hindi basta hahaba lang—dahil gaya ng (mga!) buhay, maaaring may mabago (may magbago, may bumago), may mawala (kumawala), may malimutan—kailangan man o hinding kalimutan. At posibleng-posible na ako ang laging unang magulat sa mga bago’t pagbabago rito.

Hindi ko inaasahang sasamahan mo ako—alam kong may mga buhay ka ring kailangang harapin.