Booker Prize, at Magbasa Nang Magbasa (2)


Nakakatuwang mabasa sa blog ni Michael Portillo, ang chair ng Booker Prize ngayong taon, ang proseso ng pagbabasa niya sa pagbaha ng mga nobelang natatanggap nila, at gayundin ang puna niya sa mga publisher na padala lang nang padala ng rekomendasyon sa maraming nobela, kaya't lalong nawawalan ng bigat ang mga sinasabi nila. Sa mga manunulat na Filipino, si Sir Marx (Marco A.V. Lopez) ang kilala kong masugid na tagasubaybay sa nangyayari sa Booker. Kapag nailabas na ang long list, kadalasa'y ginagalugad niya agad ang mga bookstore at binibili ang mga available dito sa Pilipinas. May Booker Shelf siya sa Kagawaran na mabuting hindi gaanong nadamay sa mga nabasa niyang libro nang binaha ang Dela Costa ilang linggo na ang nakakaraan. Ako, karamihan ng mga kopya ko ng nanalo o nag-shortlist sa Booker ay nabili ko lang sa Booksale. Dahil sa pagbabasa ko ng panitikang Filipino nitong mga nagdaang linggo, medyo napag-iiwanan na ako sa pagbabasa ng mga bagong akda sa ibang wika, na nakasulat o may salin sa Ingles. Magbasa lang nang magbasa!