Anim na Dula ang Napanood ko Kahapon

Una, mula sa Virgin Labfest 4 sa Tanghalang Amado V. Hernandez ng CCP. Inadapt kasi sa stage ni Job Pagsibigan ang kuwento kong "Uuwi na ang Nanay Kong si Darna!" at idinirek naman ni Cats Rascag. Bahagi ito ng trilohiyang Mga Premyadong Kuwentong Pambata, kasama ang mga salin din sa entablado ng dalawa pang akdang nanalo sa PBBY, ang "Bru-ha-ha-ha-ha-ha, Bru-hi-hi-hi-hi-hi" ni Ma. Corazon Remigio at "Terengati" ni Victoria Anonuevo. Naaliw naman ako sa adaptasyon sa kuwento ko; hindi ko inasahang maisasalin ito sa entablado. Nakakatuwa ang mga nagsiganap at mahusay ang direksiyon ni Cats. Napaka-poignant din para sa akin ng ilang eksena, gaya ng pagbubuhat ng tatay ni Popoy sa kaniya, katapat ng pagbubuhat naman ng nanay ni Popoy sa batang inaalagaan nito sa Hong Kong. Malayo-layo na rin ang nararating ng kuwento mula nang nasulat ko ito noong 2001 at nanalo nga ng PBBY. Magkakaroon ako ng bukod na tala para sa maikling kasaysayan ng "Uuwi na" sa mga susunod na araw.

Pagdating ng alas-siyete ng gabi, critics' night ng Tarong: Tatlong Dula ng Pagtawid na idinirek ni Jethro Tenorio para sa Entablado. Itinatampok dito ang mga dula nina Ramon C. Jocson ("Bulungbulungan sa Sangandaan"), J. Dennis Teodosio ("Pobreng Alindahaw") at Chris Martinez ("Baclofen"). Pasado alas-diyes na kami nakaalis sa Rizal Mini-theater kagabi dahil nga nagbigay pa ng mga puna tungkol sa produksiyon. Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung paano ihahanda ang mga mag-aaral ko sa mga dula, lalo na sa "Baclofen." Sinabi ko kagabi sa puna ko na bagaman wala akong malaking suliranin sa mga pagganap (maipagmamalaki ang marami sa mga aktor ng Enta!) at iba pang bahagi ng produksiyon, may problema ako sa pagpili sa mismong materyal. Masyadong madilim para sa akin ang "Baclofen," hindi lang dahil sa isang matinding pangyayari sa Ateneo nitong nagdaang linggo, kundi dahil sa mismong kawalang-pag-asa sa bisyon ng buong dula. Sinabi ko rin kagabi na bilang guro, inaasahan lamang sa amin na magpakita ng pag-asa at pagpapalaya sa harap ng kahit pinakamatitinding paghihirap, lungkot, takot, pagkaapi at iba pang kalunos-lunos at dapat talikuran sa lipunan. Hindi ko iyon naramdaman sa dula, na pangwakas pa naman sa trilohiya.

Nanood ng dula si Dennis, at nagustuhan naman niya ang ginawa ng Enta sa kanyang "Pobreng Alindahaw." Hindi raw niya naisip noon na puwede palang puro babae ang gumanap sa isang dulang una niyang nabuo bilang isang gay play. Nabanggit din niya na may natapos siyang nobela at isasali sana niya sa Likhaan pero hindi siya umabot sa deadline. Sabi ko'y iemail niya sa akin ang kopya at gusto kong mabasa. Sa CCP, nakatabi ko naman si Ogie (Rogelio Braga) na dalawang dula ang isinalang sa Labfest ngayong taon. Naka-fellow ko siya sa unang UST National Writers Workshop noong 2000. Sinabi niyang mayroon din siyang isinusulat na nobela at gusto na niyang tapusin--kaya interesado rin siyang magbasa ng mga bagong nobela. Sabihin pa, lagi kong ikinakatuwa ang mga balitang ito.