Pagbabasa at ang Mga Ibong Mandaragit

Nitong nagdaang buwan, naging kontrobersiyal ang mga sinabi ni Connie Veneracion tungkol sa mga ipinababasang akda sa high school dahil sa naging "problema" niya sa Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez. Naging kontrobersiyal dahil may sumagot, gaya ni Exie Abola sa kolum niya sa The Philippine Star, na mas nauna kong nabasa kaysa sa artikulo ni Veneracion. Ngayon lang, nagpost na rin si Zarah Gagatiga tungkol dito. Hindi ako nagsasalita dahil hindi ko pa nababasa ang nobela ni Hernandez; wala pa akong nababasang nobela ni Hernandez. Mas nabasa ko ang mga tula niya, na naituro ko na rin ang ilan. Hindi pa rin ako magsasalita tungkol sa nobela ngayon. Imbes, gusto kong sabihin ang ilang bagay na pinaniniwalaan ko tungkol sa pagbabasa, at sa sarili kong pagbabasa.

Una, nag-eenjoy ako sa pagbabasa; pero hindi ako nagbabasa para mag-enjoy lang. Nagbabasa ako dahil gusto kong magbasa; pero hindi iisa ang dahilan ng pagka-gusto ko sa gawaing ito. May mga pagkakataon na nagbabasa ako dahil kinakailangan kong magbasa (dahil ni-require sa klase, o maaaring ikamatay ko kung hindi ko gagawin--gaya ng pananakot ng MMDA sign sa basta-basta pagtawid sa kalsada). Sa klase, lalo na sa mga tinuturuan ko sa kolehiyo, may mga dahilan kung bakit kailangan kong ipabasa ang ilang texto--at wala sa listahan ko na upang maging "madali" ang pagbabasa sa mga estudyante. Hindi naman ito "pagpapahirap" sa mga estudyante: pagpapakilala ito sa panitikan bilang disiplina, bilang bukal at daluyan ng mga diskurso at pag-iisip. Bilang obheto ng pag-aaral. Sa panitikan, paksa ang mismong wika at paraan ng paggamit nito sa pahayag--hindi instrumento lang ang wika para sa ibig sabihin. Ganoon sa ibang disiplina, sa agham halimbawa. Ibig sabihin, iyon pa lamang kontexto na ng pagbabasa ang nagpapaiba sa pagharap dito. Halimbawa'y nabasa ko na nang ilang ulit ang mga nobela ni Tony Perez dahil gusto ko lang basahin; pero kapag binabasa ko ito dahil sa klase, may mga kailangan akong gawin na hindi ko gagawin sa karaniwang pagbabasa, dahil hindi ko na nga basta binabasa lang iyon, pinag-aaralan ko na iyon, obvious ba. Hindi pareho ang karaniwang pagbabasa sa isang nobela kaysa sa pagbabasa ng nobela para sa klase, may mahalagang elemento sa huli na hindi hinihingi sa una: pag-aaral. Sa ayaw natin o hindi, hindi beach ang school na puwedeng basa-basa lang: pag-aaral ang ginagawa sa school, at ang mga kailangang basahin ay para sa pag-aaral. Naiinis ako dahil may mga hindi pa rin gets ito (o hindi lang matanggap? in denial?). Hello, paaralan nga, di ba? Bow.