Maikling Kuwento at Nobela (2)

Ang totoo, hindi na naman natatangi ang paggamit sa isang maikling kuwento bilang bahagi/kabanata ng isang nobela. Ginagawa ito ng mga manunulat sa loob at labas ng Pilipinas. May isang kabanata halimbawa sa Etsa-puwera ni Jun Cruz Reyes na unang nalathala bilang maikling kuwento sa magasing Sagisag noong dekada sitenta. Isa ring maikling kuwento ang "Alamat ng Bayan ng Sagrada" bago ito naging kabanata sa Ang Sandali ng mga Mata ni Alvin B. Yapan na nagwagi ng National Book Award noong isang taon. Noong dumalo ako sa unang national writers' workshop ko sa UST noong 2000, naaalala kong nabanggit ni F. Sionil Jose na inilalathala muna niya bilang "kuwento" ang ilang kabanata ng mga nobelang isinusulat pa niya. Kahit sa sarili kong nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog, ginamit ko (matapos ang kaunting pagbabago) ang isang naratibong unang nalathala sa Heights--hindi ko pa alam noon na magiging bahagi iyon ng nobela. Kahit sa ilang bagong nobela sa Ingles na nabasa ko noon lang nagdaang taon, gaya ng Everything Is Illuminated ni Jonathan Safran Foer at Black Swan Green ni David Mitchell, may mga kabanatang ang mga unang bersiyon ay unang nalathala bilang maikling kuwento.

Ano ngayon ang kaso? Ang isa sa pangunahing usapin ay ang pagkakasali nga ng "Noche Buena" sa antolohiya ng maikling kuwento ni Agoncillo. Si Agoncillo na ang "pumilas" noon mula sa nobela at nagtalaga roon bilang (kauna-unahang) maikling kuwento; wala akong naaalalang nabasa na inintensiyon ni Rizal bilang isang hiwalay na maikling kuwentong iyon. Maaaring i-invoke dito ng ilang formalista ang "intentional fallacy" subalit sa higit na namamayaning pagdulog na discourse analysis sa kasalukuyan, hindi na basta-basta maaaring i-bracket o ipagpaliban ang mga kondisyong maaaring may kinalaman sa pagkatha ng kabuluhan at kahulugan. O hindi nga ba?