Magbasa Nang Magbasa

Magbasa lang nang magbasa. Ito ang mantra ko ngayon. Magbasa lang nang magbasa. Talaga namang napakaraming karapat-dapat basahin. Kapag walang magawa, magbasa. Kapag nasa pila sa kung saan man (bangko, sakayan), magbasa. Bago matulog, magbasa. Pagkatapos kumain, magbasa.

Bilang manunulat, mahalagang magbasa. Nagbibigay ito ng pag-asa na hindi pa namamatay ang interes ng tao sa pagbabasa--at na kung magsusulat ako, maaaring-maaari na may iba ring magbabasa. Sa ngayon, napakahalaga noon lalo pa't may ilang mga planong binubuo ngayon na aasa na namang may magbabasa pa rin.

Una, ang antolohiya tungkol sa "loss of virginity" na binubuo namin nina Kim (Katrina Tuvera) at Chingbee (Conchitina Cruz). Magkikita-kita kami bukas nang gabi para pag-usapan ang mga napili namin sa mga ipinasa. Kapag sinusuwerte, maaaring lumabas ang aklat na ito ngayong taon.

Ikalawa, mukhang mabubuo na ang antolohiya ng Pasaway na kinabibilangan ko kasama sina Roland Tolentino, Allan Derain, Eros Atalia, Norman Wilwayco, Alvin Yapan, German Gervacio, Eli Guieb III, Khavn Dela Cruz, Mykel Andrada. Si Ser Jun (Cruz Reyes) nga ang pasimuno nito. May ilan pa kaming inimbitahan (mga babae naman!) pero wala pang nagpaparamdam sa kanila. Sa ngayon, kontribusyon na lamang nina German at Eli ang hinihintay ko. Ako kasi ang naging designated na tagakolekta. Kapag sinusuwerte, maaaring lumabas ang aklat na ito ngayong taon. Kapag lalong sinusuwerte, mas marami pang proyekto ng Pasaway ang maaaring mapasimulan ngayong taon. Pupuntahan din namin ni Allan si Ser Jun bukas nang hapon para ibalita ang ilang developments. Nangako rin si Ser Jun na ipapahiram niya sa akin ang ilang entries sa Likhaan Literary Awards sa nobela na nagustuhan niya. Gusto kong mabasa ang mga iyon siyempre.

Ikatlo nga ang nobela kong ilalabas ng Anvil. Kanina sa Kagawaran bago ako umalis, dumating na ang kopya ng dalawang antolohiyang ilulunsad ng Ateneo ORP sa July 8 kung saan may earlier drafts ako ng excerpts mula sa nobela. Nasimulan ko nga kasing isulat ang Walong Diwata ng Pagkahulog dahil sa isang pangyayari sa Boracay noong 2005, nang kinuha ako ng ORP bilang fellow sa isang writer's retreat-slash-libreng-bakasyon doon.

Ikaapat iyong Tapat Journal na noong Enero pa nagsimulang manawagan para sa kontribusyon pero hanggang sa ngayon wala pa ring tumutugon. Pero tuloy pa rin ito. Tuloy na tuloy. Kung may nobela kayo sa Filipino na sa palagay ninyo'y kalatha-lathala, baka gusto ninyong ipasa sa Tapat. Special imprint iyon para sa mga bagong nobelang Filipino na balak kong mapasimulan na talaga. Kapag sinusuwerte na may nagpasa at naibigan ko, tapos e nagustuhan din ng reader, hindi ako mag-aatubiling mamuhunan (at humandang malugi) dito para mailathala.

Kung may mga ganitong mga proyekto akong kinasasangkutan, kailangan kong manalig sa bisa ng mantra na ito, gaya ng isang panalangin, na sana'y mahawa ang iba. Magbasa lang nang magbasa.