Bagyo, at DESAPARESIDOS (2007) ni Lualhati Bautista

Matagal-tagal din akong hindi nakapag-update dito. May mga obvious na dahilan, unang-una ang pagsisimula na naman ng panibagong sem. Ikapitong taon ko na pala ngayon ng pagtuturo! Pero ngayon ang unang beses na magtuturo ako ng 21 units: 3 Fil 11, 3 Fil 14 at 1 elective class para sa MA at undergrad--iyong tungkol nga sa kasaysayan at pagkaunlad ng maikling kuwentong Filipino. Kaya naman, mas marami sa binabasa ko ngayon, kuwento, hindi nobela.

Bukod diyan, may ilang bagay ding kailangang gawin. Halimbawa, iyong raket kong book project para sa Adarna House at HSBC na ipinasa ko na kahapon 'yung unang installment. May malaking project pa ang AILAP na maaaring matuloy ngayong taon. Ako rin ang nag-aasikaso ng antolohiya ng Pasaway. Noong nagdaang Sabado (Hunyo 14), nagpaworkshop pa ako ng kuwento sa Naratibo sa Tambayang makiling. Dahil sa mga ito, kinailangan kong mag-beg off kay Khavn (dela Cruz) sa Ibong Adarna project para sa Ateneo Children's Theater kahit marami na rin akong konsepto para sa iskrip at libretto. Tapos ngayong araw, dapat ay may lecture ako sa LIRA tungkol sa talinghaga. Pinaghandaan ko rin iyon siyempre.

Kaso nga, kaninang madaling-araw, bandang alas-singko y medya, nagising ako kasi patay ang electric fan. Walang koryente. Tapos, grabe ang hangin sa labas. Ang lakas. Sinubukan kong matulog ulit kasi alas-6:30 ko pa isinet ang alarm ng cellphone ko. Pero matindi talaga ang hangin sa labas. Bumabagyo? Hindi na kasi ako nakakapagbukas ng TV nitong mga nagdaang araw. Pinoy Dream Academy 2 at Lobo na lang ang pinapanood kong local shows (sumuko na ako sa Pinoy Idol) at dinadownload ko na lang ang mga episodes noon sa Ipmart kaysa manood sa TV na bukod sa malabo ang signal, sayang pa ang oras dahil sa commercials. Humahampas ang hangin sa bintana. Nakiramdam ako. Siguradong bagyo ito. Tinext ko si Ergoe (Tinio) na siyang workshop director ng LIRA ngayong taon. Tuloy ba ang lecture ko? Nagreply naman siya agad. Hindi na raw. Nakatulog na ulit ako.

Paggising ko, malakas pa rin ang hangin. Pasado alas-nuwebe na. At wala pala akong pagkain. Walang koryente kaya hindi rin ako makakapagluto (dahil de-koryente ang stove ko at siyempre, ang rice cooker). Nagtiyaga ako sa quaker oats. Wala ang abalang computer. Walang pang-ubos-oras na internet. Ngayon ko lang nabuklat ulit ang Desaparesidos ni Lualhati Bautista na halos isang buwan ko nang nabili at nasimulan.

Batay sa copyright page ng nobela, mukhang batay ito sa isang screenplay na isinali niya at nanalo ng third place sa Centennial Literary Prize noong 1998. Tungkol din ito sa batas militar, tulad ng Dekada '70 subalit ngayon, mas marami nang experimentasyon sa anyo si Bautista. Halimbawa, kapuna-puna ang non-linear na panahon. Patalon-talon ang naratibo sa kasalukuyan (early 90's sa nobela) at sa panahon ng martial law. Iba-iba rin ang punto-de-bista sa akda kaya mas napapaglaruan din ang konsepto ng alaala at realidad. Isa sa pinakakatawag ng atensiyon ang "once upon a fairy tale, o ang pag-iibigang marcos-us" na intervening chapter sa pagitan ng kabanata 9 at 10. Dalawampung pahinang pagsisiwalat ito ni Bautista sa kasaysayan ng korupsiyon sa ating bayan, na malaking bahagi'y salamat sa Amerika, at kung paanong puwang din ang mga panahong iyon upang itanghal ang kagitingan ng maraming mamamayan. Wala pa akong nabasang ganito kasinop at kadetermined na pagsisiwalat ng kontemporanyo nating kasaysayan nang ganoon kaikli--at sa loob pa ng isang nobela!

Grabe. Natapos ko ang nobela nang wala pang dalawang oras na pagbabasa. Bigla, na-miss ko iyong mga hapon noong grade 5 o grade 4 ako kung kailan una kong nabasa ang Dekada '70 at Bata, Bata niya, dahil kay Tito Joven na may sariling kopya dahil ni-require sa kanila noong nasa kolehiyo siya. Engineer na ngayon si Tito Joven at may 4 na anak at fourth year high school na ang panganay. Kanina lang, nagtext siya na chinecheck umano nila ang ilang national roads sa Laguna para malaman kung alin ang mga hindi passable dahil sa bagyo.

Tungkol ang nobelang ito sa paghahanap ng magulang sa anak, at sa isang banda, paghahanap din ng anak sa magulang. Kagaya nina Amanda at Lea sa unang mga nobela ni Bautista, narito naman si Anna/Ka Leila na nasa sentro ng akda. Pero hindi gaya ng unang dalawa na tumatanaw mula sa labas ng kilusan, dinanas at patuloy na dinadanas ni Anna ang tuwirang pakikilahok sa samahan. Malaya ang ipinangalan niya sa unang anak na hinanap niya sa loob ng 21 taon, Lorena (mula sa makatang Lorena Barros umano) naman sa ikalawa na nakasama niya pero madalas ding iwan-iwan dahil nga sa pakikibaka. Patataubin ng nobelang ito ang mga paglalarawan ng karahasan na naipakita na ni Bautista sa Dekada '70. Gayumpaman, naroon pa rin ang siste at humor na kinagiliwan ng Pinoy sa mga una niyang nobela. Madilim nga lang. Mas madilim, kahit puno rin ng pag-asa sa dulo.

Siguradong isasama ko sa silabus ng Fil 14 ang nobelang ito sa susunod na semestre. Sa ngayon, may koryente na, obvious ba, kaya nakapagpost na ako rito. Wala na raw pasok bukas on all levels. Ano na namang gagawin ko sa harap ng bukas na bukas na posibilidad ng internet? Pero iba pa rin talaga ang pakiramdam ng pagbubuklat at pagsasara ng isang libro ng nobela.

2 Responses to Bagyo, at DESAPARESIDOS (2007) ni Lualhati Bautista

  1. bigla kong gustong bilhin ang libro - katulad sa kwento ng sigwa sana mapanood mo rin ang kswentong sigwa na idinireck ni Joel lamangan - isinulat ni boni ilagan , magandang pelikula para sa istorya ng Pilipinas, showing ngaung aug.28 sa rob galleria, cgurdado akong magugutuhan mo ito

  2. Base ang Sigwa sa Desaparesidos ni Bautista. Medyo may galit nga si Bautista kay Lamangan dahil sa "pagnanakaw" ng kanyang ideya.