Pasaway Unlimited


Noong Mayo 7, nagpatawag ng pulong/inuman sa Sarah's si Jun Cruz Reyes para sa ilang (bata raw na) manunulat ng fiction. Mabigat ang balak: magbuo ng isang samahan ng mga may pagbabago umanong ginagawa sa pagkukuwento ngayon. Ang mga naroon (mula sa kaliwa sa larawan sa itaas):

Jun Cruz Reyes. Na siyang pasimuno ng lahat ng ito. Ang unang kongkretong balak: maglabas ng antolohiya ng mga akda namin (kuwento at/o sipi mula sa nobela), isang luma (ibig sabihin, kung saan niya kami unang napansin) at isang bago-bago. Ang tanong na binuksan niya: Ano ba ang ginawa namin sa Mga Agos sa Disyerto? Ang sagot niya: "Inano n'yo." Kaya gusto n'ya kaming tawaging mga "pasaway"--anti-canon o talagang dedma/kebs ang kanon. Si Sir Jun ang gagawa ng introduksiyon sa antolohiya na maghihistoricize din umano sa pagkukuwento sa Pilipinas. Sabihin pa, siya ang pumili sa amin. Isa sa mga mabigat niyang payo sa amin: "Kung mag-aaway-away kayo, gawin n'yo nang harap-harapan. Pero p'wede ba, mag-usap-usap muna kayo." Binibigyan niya ng dalawang taon ang Pasaway Unlimited na ito, pagkatapos noon, bahala na raw kung saan kami dalhin ng panahon at ng pagbabasa.

Norman Wilwayco. Ito ang unang pagkakataon na nakita ko nang personal si Iwa bagaman textmates na kami. May tatlo na siyang nobela ngayon (!) kabilang ang nanalo sa Palanca na kung paano ko inayos ang buhok ko matapos ang mahaba-haba ring paglalakbay na isa sa mga unang itinampok ko rito sa Mga Nobelang Atisan. Siya ang pinakahuling dumating at pinakahuling umalis, pero binuksan niya ang imbitasyon para gawin ang mga susunod na pagpupulong sa House of Abram. Pagdating na pagdating niya, ang mahalagang tanong: Doobi? Doobi?

Allan Derain. Magkasabay kaming dumating ni Allan pasado alas-siyete. Hindi ko kasi alam ang Sarah's (na katabi lang pala ng Likha-Diwa) at nagkita muna kami sa Shopping Center. Kasama kong nagtuturo sa Kagawaran si Allan, may-akda ng Iskrapbuk at nanalo ng first place sa Palanca noong isang taon ang kuwento niyang "Paputian ng Laba." Ang "kumag" na ito ang resident theologian ng grupo.

Roland Tolentino. Hindi pa rin ako sanay na hindi nagsi-sir sa taong ito. Dinadaan na lang namin sa biro na siya ang senior citizen sa grupo kaya may 20% discount siya sa lahat ng happenings. Hindi ko na iisa-isahin ang achievement niya, basta't kamakailan lang, nagbasa ako ng mga sipi mula sa tatlo niyang novella sa Sapinsaping Pag-ibig at Pagtangis sa mga klase ko ngayong summer sa Fil 14, bukod pa sa bibliya/textbuk namin ang Sipat Kultura sa klase kaya ang mantra ng buong klase: Magpalaya! (Hindi ko lang alam kung pare-pareho kami ng ibig sabihin doon). Sa mga novella at maikling kuwento ni Sir Roland, malinaw nang may malay siyang ginagawang pagbabago sa pagkukuwento sa atin. Isa sa mga personal kong hinahangaan ang husay at sigasig. Revelation sa akin na naging guro pa pala niya sa DLSU si Sir Jun, na founder nga ng Malate.

Eros Atalia. Nakasama ko sa UP Workshop noong isang taon si Eros at pagkatapos noon, pinagkatiwalaan niya akong isa sa mga gumawa ng blurb para sa libro niyang Peksman na inilabas ng VPE noong isang taon. At announcement mula sa kanya: Invited kayo sa booksigning ng VPE sa May 17 sa Cubao Expo, 3-6 PM. Mga dalawang buwan pa lang ang nakakalipas, nagtext sa akin ang tito ko sa San Pablo na nakabili siya ng libro ni Eros. Iba talaga ang malawak ang distribution. Sa aming lahat (maliban siyempre kina Sir Jun at Sir Roland), si Eros siguro ang may pinakamalawak na readership sa kasalukuyan.

Edgar Calabia Samar. Ako 'yan. Ngayong taon, wala nga akong hinihintay na matapos kundi ang paglalathala sa wakas ng una kong nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog na ilalabas ng Anvil. Ako ang naging designated taga-kolekta ng grupo. Sa akin ieemail hanggang sa katapusan ng buwan ang mga akda na isasama sa volume 1 ng antolohiya. Marami pang ibang nabuksang posibleng proyekto sa hinaharap gaya ng pagkakaroon ng matatag na online presence. Sa ngayon, nagset na lang muna ng ikalawang meeting sa katapusan ng Mayo.

Wala sa picture si Khavn dela Cruz pero kasali rin siya at dumating din siya roon, nahuli nga lang. Nakaalis na si Iwa nang dumating siya. Maliban sa amin, kasali rin umano sina Mes De Guzman (na nakikita ko lang sa Kagawaran noong unang taon ko ng pagtuturo at nagtuturo rin siya roon noon) at Mykel Andrada. Kailangan ko pang itext ang dalawang ito para malaman nila ang mga deadline.

Saan makakarating ang lahat ng ito? Ayoko namang magka-anxiety attack at problemahin na ang darating pa lang. Sa ngayon, magandang enthusiastic naman ang lahat. Sabihin pa, madaling-araw na kami nakauwi at sinusumpong na ako ng matinding ubo kaya't napilitan akong umabsent sa mga klase ko kinaumagahan.

2 Responses to Pasaway Unlimited

  1. Puwede ba akong sumali kahit pa nasa ibang bansa na ako? Kung puwede, paki-email naman ako sa imo.quibilan@gmail.com. Salamat nga pala sa pagpost tungkol sa blog ko. Salamat din sa pagbablog tungkol sa Pinoy fiction. Mabuhay ka, Egay!

  2. Salamat sa pagdalaw dito sa blog, Imo. Ii-email kita.