A Blade of Fern (1978)

HINDI ISANG LIHAM SA LUPAIN NG GINTO AT BULAKLAK DAMO
ni Edgar Calabia Samar



Naaalala ko: wala kaming sinasabihan ng ganito noon, maliban sa iyo. Inaawitan ka namin at saka kami manunumpa ng pag-ibig sa iyo. Araw-araw iyon, sa eskuwela, tuwing umaga bago magsimula ang mga klase. Noong unang taon sa hayskul, nagtanghal pa kami ng sayaw sa saliw ng musika ni Constancio de Guzman at titik ni Jose Corazon de Jesus. Sa puso ko, nakikinig ka sa lahat ng iyon (bata pa ako’t romantiko, alam mo; kahit naman hanggang ngayon, sa isang banda). Nakikinig ka, kahit nasa isip lang naman kita, hinaharaya, sabi nila. (Imagined communities.) Naisasatitik, naisasalaysay. (Nation and Narration.) Kinakatha, nililikha. (Necessary Fictions.)

Kung gayon ba, kapag iniisip kita, iniisip ko lang ang laman ng sarili kong isip? Na nag-iisip ako tungkol sa sarili kong isip? Walang masama, kung sa bisa mo, dahil may ikaw, higit kong nakikilala at nauunawaan ang sarili. Ako. Isang pag-akô sa sarili. Ngayon, kakausapin kita at hindi kita kakausapin. Kung totoo ang sinasabi nila, hindi man kita banggitin, nasa isip kita. (At maaari ring sa sarili ko lamang sinasabi ang lahat ng ito. Maaari.)

Ayon sa isang alamat, nagsimula ang lahat sa tunggalian sa pagitan nina Kaptan, diyos ng lupa, at Magauayan, diyos ng dagat, at sa pakikialam ng isang ibon, ang Manaul. Naitatag ang mga lupain dahil sa galit, yabang at digmaan (sadya bang mahalaga ang kawalan ng kapayapaan upang maitatag ang mga bayan?). Pumutok ang buho, at lumitaw ang unang lalaki (Si-Kalao) at unang babae (Si-Kalay). Hindi totoong walang pinagmulan ang putok sa buho; lupa ang talagang nagsilang. Subalit buong daigdig iyon, simula ng isang buong uniberso ang nasa matandang salaysay, at hindi raw inisip ninuman na katumbas ng mundo ang kaniyang bayan (cf. Benedict Anderson). At sino pa nga ba ang nakikinig sa alamat?

Sa pambungad na tula ng aking koleksiyon, ang “Tayong Lumalakad Nang Matulin,” sugat ang mga salaysay na hindi mabahaw sa isip (muli, nasa isip ang kirot ng titik):

Nagnanaknak ang mga alamat
ng ating bayan. Sapo ng alaala
sa sugatan niyang palad
ang mga hindi napaghilom
ng panahon: pagkabaliw
ng mga diwata, pagsiksik
ng mga manananggal at tikbalang
sa pinakasulok ng takot,
pananahan ng mga multo
sa lahat ng kawalang-malay
na tinalikuran ng lungsod,
paglikas ng mga anito sa gunita
ng mga pananalig. Mahiwaga rito,
babala ng mangkukulam
sa tinik sa ating talampakan
samantalang inililigaw tayo
ng kaniyang paanyaya
upang iwan natin ang tángang sigpaw
at lusungin ang hikbi ng agos
sa mga batong nilulumot.
Lagi’y rumaragasa
ang ating mga paghahangad
na iwan ang nakaraan.
Lumingon sa pinanggalingan,
bulong ng sirena sa alon
sa tuwing tinatangay tayo ng ilog
sa dagat ng kawalang-katiyakan.
Subalit ang natatagpuan natin
ay asin lamang sa dalampasigan.
Magtatanong ang mga tiyanak
na nalulunod sa hiwaga ng gabi:
saan nagmula ang buwan?
At mararamdaman natin ang kirot
sa pagkaligaw ng isipan
sa kanilang lupain.
Buwan ang gamot sa mga taon,
buntong-hininga ng nuno
sa punso habang pinagmamasdan
ang papalayong liwanag
ng mga alitaptap. At saka tayo
rin ay lilisan: sakbibi ang hapdi
sa mga di-nagpabinyag na pangalan
na nananahan, nananangan
sa mga kuwentong di na pinakikinggan.

(“Kuwentong-Bayan”)
Sa harap ng pag-aalinlangan sa mga alamat, naharap tayo sa, at dinaluyong ng, naratibo ng mga talâ. Ayon sa ilan (liham ang karamihan sa mga iyon: cronica, relacion), nanlalaki ang mga mata ng dayuhan pagkakita nila sa mga ginto na halos lumuwa sa lupa, nasa gilid lamang ng mga daan. Iyon mismong ginto na palamuti sa ngiti ng mga katutubong kanilang dinatnan. Hindi pa nasiyahan, hinukay ng mga dayo ang libingan ng mga katutubo, at kinulimbat ang mga ginto at alahas na ibinaón, ipinabáon na ng mga naulila sa mga yumao. Sa isa pang liham, iniatas ni Miguel Lopez de Legazpi na iulat ang lahat ng mga nakuhang ginto, at ipinagbawal na ang paghuhukay sa mga puntod nang walang pahintulot ng hari.

Higit nating kinapitan ang ganitong mga salaysay sapagkat nakatitik, monumento ng nakaraang nakatirik sa papel, hindi malilipad ng hanging gaya ng mga bulong, tawanan, panaghoy, sa mga salaysay na sa tubig lamang na tahimik naililista. Masyadong malalim. Ano na nga ba ang pakialam natin ngayon sa mga humukay sa ilog? Sadyang hindi nagbabata ang gaya ko kaya’t hindi nagtatanda. Lahi ng mga naglalakad nang matulin. Muntik nang malimot kahit ang mungkahi ni Macario Pineda sa Ang Ginto sa Makiling (1947) na tayo iyon, ang mga tao, ang totoong ginto na tumutubo rito sa ating lupa. Ang mga tao na nagtatanggol, patuloy na magtatanggol, sa lupang ito na nagsupling sa kawayang nagluwal sa atin. Ilahas tayong inapo ng mga damo na nagbibigay ng kapangyarihang humanap ng mga puwang kahit sa pinakamatigas na lupa, mabuhay kahit sa pinakamatinding haplit ng init o hampas ng ulan.

Nitong mga nagdaang linggo, binasa ko ang unang nobela ni Edith L. Tiempo, ang A Blade of Fern (1978). Kailangan, alam mo. Hindi lamang dahil sa klase. Kailangan ko, dahil si Tiempo ang lahat ng hindi ako: babae, may sapat na gulang at karanasan, nakaugat sa Timog ng Pilipinas. At ang nobela, tungkol sa damo, tungkol sa paghuhukay ng ginto, at tungkol sa mga tao na nakapagitan sa lahat ng ito. Paano ako tatanggi sa paanyaya?

Kuwento ito ni Bernardo Martinez, isang guro sa Maynila (gaya ko), na pumunta sa Surigao upang samahan si Moises sa pagbubungkal ng lupa sa Nabucal. Lumayo siya, upang umuwi, iuwi ang sarili, sa lupa. Nananalig na nasa kalikasan ang kayamanan. Iniwan niya ang halos lahat—ang propesyon, ang babaing iniibig (si Maura)—upang sumugal sa paghahanap ng ginto. Malayo na nga ang panahon kung kailan nasa gilid lang ng daan ang ginto, at nasa ngiti ng masayang pagtanggap sa bisita. Nabaon na ito sa lupa (hindi sa limot), gaya ng maraming bagay na natabunan ng kasaysayan, ng nagdaan.

Kung nasa ilalim ng lupa ang mina ng ginto, gumagapang naman sa ibabaw ang ilahas. Ang mga damo, ang iba’t ibang pakô. Ito ang kinokolekta ni Angela, ang nakababatang kapatid ni Moises na may kung anong gayuma kay Bernardo. Damo, hindi bulaklak.

“Damong Ligaw” ang dating pamagat ng noo'y unang kabanata ng nobelang isinulat ko sa ilalim ng isang grant sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Sa ikasiyam na bahagi ng kabanata (“Imbestigasyon at Imbensiyon”) kung saan kinakailangang magbuo ng pangunahing tauhan (si Daniel) ng sarili niyang tauhan (si Arcangel) sa isinusulat na nobela, nagsimula siyang manaliksik ukol sa damo, at:
[n]atagpuan din niya ang dampimbanal, isang uri ng damo na itinatapal sa bahagi ng katawang may nalinsad na buto. Mula roon, natangay na siya sa pagbabasa sa iba pang mga damo, kahit hindi naman nakapagpapagaling sa katawan—malit, kalabaw, dilang butiki, talahib. Naalala niya ang madadamong lugar sa Marikina na madalas daw na pinagtatapunan noong unang hati ng dekada nubenta ng biktima ng iba’t ibang krimen. May kapangyarihan din ang mga damo na ikubli ang mga krimen, ang mga karahasan sa lipunan. Mabuti’t noong panahong iyon, nasa San Pablo pa siya at wala pang personal na karanasan sa mga karahasan na maaaring magawa ng isang tao sa kapwa niya. Nang lumuwas siya para mag-aral sa kolehiyo, nagsisimula nang magbagong bihis ang Marikina. Nililinis na ang ilog. Tinatabas na ang mga damo. Bakit kaya hindi nakikitang bahagi ng kalikasan ang mga damong ligaw? Tao lang naman ang tumatawag sa kanilang ligaw. Tao lamang naman ang “tumatawag” sa mga bagay.
Narito ang bayan bilang “tinubuan”—ang nag-iisang talinghaga sa kamalayan ng maraming Pilipino na nagagawang pagtagpuin ang kalikasan at ang bayan; ang talinghagang nag-iisa sa dalawa: bilang ina, bilang babae. Kung babalikan ko ang pagsasakasaysayan ni Simone de Beauvoir sa kaniyang The Second Sex (1952), lalong magiging malinaw ang naging pagturing sa babae bilang lupa, ang daigdig na ibig sakupin ng lalaki, subalit hindi lubusang kilala ng huli, kaya’t laging may panganib ng pagkaligaw, ng pagkabigo. “In spite of the fecund powers that pervade her [the woman],” igigiit ni de Beauvoir, “man remains woman’s master as he is the master of the fertile earth; she is fated to be subjected, owned, exploited like the Nature whose magical fertility she embodies.”

Narito ang babae bilang Iba, ang Unknown Other, ang anima na nananahan at umuusig sa sariling pagkalalaki ni Bernardo. Binubulabog ang kaniyang mundo nang hindi niya lubusang namamalayan. Halos nagtatalaban ang kanilang mga puwersa. Kahinaan ng lalaki ang lakas ng babae. Yin at Yang. Habang matagal na wala si Angela dahil sa sakit, matutuklasan ni Bernardo kung paanong siya ang nasakop nito:
he would catch himself while he was out in the hills, half-expecting to see her come out from a bend in the path or standing in a mass of foliage, lost in scrutiny of a leaf. How potently she had infused hereself into the place! Knowing her all this while was like the contemplation of an ancient aspect of himself, the hidden one that had extravagant feelings: unashamed and credulous of dreams and fears and shapes that startled in the night. Angela. The essence of the submerged in him, in every man. The receptive spirit forgotten or lost along the way as one grew old. He missed her. (143-144)
Hindi ito maiiwasan, lalo pa’t igigiit ni de Beauvoir na, “she [the woman] remained in bondage to life’s mysterious processes, that the male did not recognize in her a being like himself.” (de Beauvoir, 1952: 88)

Sa harap ng lahat ng ito, nariyan ang banyagang si Cutler na katunggali ni Moises sa pagbubungkal sa mga lupa. Si Moises na mainit na ang dugo sa banyaga sa simula pa lamang. Sa Biblia, si Moises ang nagpalaya sa mga Israelita patungo sa lupang pangako. Kay Tiempo, lipon ng maliliit na pamayanan ang bayan. Hindi tinutungo ang lupang pangako, ito ang pinipiling panahananan. Sa ganitong paraan niya inilarawan ang apat na pangunahing lunan sa nobela, ang Nibucal, Tinacban, Plata, at Manago:
in Nibucal the people were buried in the hills. Hills and valleys and gulches. (15)

The hill was almost hidden from sight by the heavy foliage at its base and on the lower slope. Tinacban. That was how it got its name: covered, hidden. (25)

Plata. Old and windswept beside the bay; an ancient and placid town. (50)

The streets of Manago were dark and damp. The ground went up and down in uneven lumps of stones and unlevelled earth. (94)
Kapuna-puna ang katangian ng pagiging tago. May misteryo, gaya ng mga ginto na hindi matatagpuan ni Moises hanggang sa dulo ng nobela.

Ganito rin ang “Atisan” na kinakatha ko (o ni Daniel) sa aking nobela. (May bahaging “Atisan” sa bawat kabanata ng nobela.) Sa pamamagitan ni Daniel, ibig kong buuin ito, subalit hindi ganap, maraming mga puwang na sadyang hindi mapupunuan, kaya’t halos mistikal, gaya ng Macondo ni Gabriel Garcia Marquez sa kaniyang One Hundred Years of Solitude. Totoong may baryong Atisan sa San Pablo, subalit sa ibang baryo ako lumaki. Minsan lang ako talagang nakapunta roon, minsang mag-picnic kami sa batis doon, anim na taon pa lang yata ako noon. (Baka hindi rin ito talaga roon; ito ang isa sa mga una kong titiyakin sa bakasyon, hindi para sa nobela, kundi para sa sarili kong kapanatagan.) Subalit ang minsan na iyon ang humubog sa larawan ng Atisan na isinasalaysay ko ngayon sa nobela. Ang minsan na iyon din ang nag-udyok sa akin upang maghaka ng isang kasaysayan ng lugar. Ikalawang bahagi ng “Damong Ligaw” ang “Atisan,” na pinakamahaba sa labindalawang bahagi ng kabanatang iyon. Gayon ang nagagawa ng alaala ng isang araw sa haraya.

Sa bandang huli, isusuko ni Moises kay Cutler ang lupang pinaghirapang hukayin. Ipinagbili niya ang lupa sa banyaga, upang magsimula ng panibagong buhay kasama ang kapatid na si Angela at asawang si Danda. Ang nasa isip ni Bernardo habang sinisiyasat ni Cutler ang paligid: “There is something in this place you can never buy, because you are incapable of owning it. You cannot possess so much as a mite of Moises’ spirit. It bound this place around and kept it together al this time. But a thing like that, you can’t see.” (155)

Mainam sanang pagkakataon ito upang higit na mapag-isipan ni Tiempo ang kabuluhan ng mga hindi nakikita ng iba. Subalit sa nobela, sa isip lamang ni Bernardo ito nagaganap. Sa bandang huli, masasabing ganap na realista ang moda ng pagsasalaysay ni Tiempo, sa kabila ng paggigiit niya halimbawa sa isang panayam (Pen & Ink 2) para sa “intuitional” laban sa “rational” sa kaso ng mahusay na pagtula. Sa nobela, nangingibabaw ang lohika ng isip na nakasalig sa mga batas ng agham.

Kaiba ito sa mga paborito kong kuwentistang Pilipino, gaya nina Tony Perez (sa Filipino, lalo na sa mga aklat niya ukol sa Cubao) at Eric Gamalinda (sa Ingles, kahit pa nga sa historikal na My Sad Republic) na laging nanunulay sa pragmatiko at sa pantastiko. Para sa akin, iyon ang higit na “totoo”—na may mga hindi masasaklaw ng ating mga pandama (kung tutuusin, pinatotohanan din ng agham ang hanggahan ng ating mga pandama: kung paanong may mga tunog na sobrang mahina o sobrang malakas upang marinig natin, halimbawa), na may mga bagay na hindi agad-agad maipapasok sa kinasanayang hulma natin ng realidad—at iyong “bansa,” o iyong “pambansa,” hindi kailangang ipasok lamang sa paninindigan ng materyal, ng mga matitiyak ng pandama, kundi maging ng mga bagay na higit pa sa pandama, lampas sa pandama. Narito ang bisa ng marvelous sa mga naratibo, sa mga salaysay ng Latin Americans, na marami tayong matututuhan, sa palagay ko. Sapagkat gaano kalayo ang “katotohanan” ng kasaysayan natin sa kanilang kasaysayan?

Mula sa kabilang dulo ng puna nagmumula ang taya ni Marquez sa kaniyang Nobel Prize Lecture na “The Solitude of Latin America” nang sinabi niyang,
A reality not of paper, but one that lives within us and determines each instant of our countless daily deaths, and that nourishes a source of insatiable creativity, full of sorrow and beauty, of which this roving and nostalgic Colombian is but one cipher more, singled out by fortune. Poets and beggars, musicians and prophets, warriors and scoundrels, all creatures of that unbridled reality, we have had to ask but little of imagination, for our crucial problem has been a lack of conventional means to render our lives believable. This, my friends, is the crux of our solitude.
Gayumpaman, may mga pagkakataon sana na maaaring isulong ni Tiempo ang marvelous, ang di-karaniwan, subalit pinipigilan niya ang posibilidad ng naratibo, at hinihila pabalik sa “realidad” ang anumang “haka” o “speculation” na mahalagang tunguhin, gaya halimbawa sa tagpo nang sinabi niyang, “[t]he town of Plata affected him [Bernardo] the same way, the towns-folk seeming to exist in a state of impermanence, as though, if he willed it, they would disappear and another town would creep quietly into its place in time.” (50) Imbes na siyasatin at galugarin ang posibilidad niyon, susundan agad ito ng tanong ni Angela kay Bernardo nang mapunang malalim ang pananahimik at pag-iisip ng huli: “Did I say something wrong?”—na magbabalik ng naratibo sa “realidad.” Isang sayang na pagkakataon upang magpatangay sa mga hindi inaasahan.

Kahit kinikilala pa rin naman niya na may mga bagay na hindi agad-agad maipapaliwanag, lagi’y may pagdududa sa “hiwaga” (hindi sa realidad) sa huli; hindi niya matanggap ang hiwaga bilang hiwaga. Halimbawa, sa harap ng “kambal na liwanag” na nakikita ni Lucio, ang tagapagbantay sa minahan kapag gabi, mula sa sementeryo malapit sa lugar, narito ang nagtatawang tugon ni Bernardo: “If you sit here quaking and fluttering around all night it is your own fault. Kulas never had any trouble in the daytime. He never saw anything weird and he was always out here by himself, too.” (66) At kahit nang si Bernardo mismo ang nakakita rito isang gabi, rasyonal pa rin ang inisip niya: “Perhaps a wild cat or monkey prowling around for ripe fruit.” (81) O ang kuwento ukol sa mga diwata sa puno ng dalakit malapit sa tahanan nina ‘No Imo at ‘Na Pasya, na pinangangatwiranan naman agad ni Pasya, nang tanungin siya ukol dito ni Angela na: “It was so long ago, child, I don’t know what to believe now.” (69)

Hindi maisasalba ang mga rasyonalisasyong ito ng realisasyon sa dulo, lalo pa’t naganap lamang itong muli sa isip ni Bernardo nang matiyak niya na,
[a]ll of them, each of them had been befogged by his own dream. And each one had his singular way out of the spell. Except possibly Danda, who of the four of them had perhaps been the only balanced realist, who saw things exactly as they were and did not try imposing any eccentric dream of her own to blur the picture. (156) [akin ang diin]
Gaya ng maraming ibang kuwento, hindi natakasan ni Tiempo ang bigat ng kamatayan bilang pasanin ng buhay na kailangang harapin ng mga tauhan. Binagabag si Angela ng posibilidad ng kamatayan sa magkasunod na pagkamatay ng mga kababatang sina Carmen at Alberta, lalo pa’t naaalala ang pag-uusap nila noon ukol sa “chain death” (77), kung saan “susunduin” ng mga mauuna ang mga maiiwan. Sa harap ng lahat ng ito, dumating ang isang epidemya ng tipos sa buong Nabucal na ikinasawi ng marami. Nagkasakit din si Angela, at bagaman nakaligtas siya, unti-unti namang nawala ang alaala niya sa kaniyang pagbabalik:
She remained snapped into that vacant world she was making for herself. For her it could likely be a place that would hold no more fear or frustration because there was no more desire. And so maybe with the loss of desire, the loss of memory. … What she probably found out, maybe in an intuitive moment, was that as far as the large ways of nature went, the wise person was most unknowing and most resigned. (151-152)
Sa bandang huli, naging usapin ng alaala at pag-alala ang lahat. Ganito rin ang nangyari kay Bernardo habang nakasakay ng bus pabalik sa Maynila. (Sa pambungad na tula, ang “Alibugha,” ng aking koleksiyong Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay na ilalathala ng Ateneo ORP, pauwi naman sa kaniyang bayan mula sa Maynila ang persona, nakasakay din sa bus, at naisip niyang, “[k]ulang ang pitong oras na biyahe/ sa paghagilap sa mga itinapong alaala./ Ano’ng ginawa ko?”

Ano’ng ginawa ko? Simula pa lamang ito. Marami pang isip na kailangang isipin, sisirin, gaya ng mungkahi ko sa isang bahagi ng tulang “Pag-aabang sa Kundiman,” kung saan itinatanghal ang Kundiman bilang metonimiya ng bayan:
Kapag kumisap ako’t sinabing ito’y—oo nga,
Panaginip—magwawala ako, hanggang mawala
gaya ng Kundiman—na hindi totoong natagpuan
ng mga sumakop. Hindi nila ito natagpuan,
kaya’t nagtatag sila ng kanila, na siyang nababasa
natin ngayon sa mga aklat, at nilalakbay
ng mga bumibiyaheng sasakyan.
Ang totoong Kundiman, hindi nasilip
kahit ng Kasaysayan, pero nasa isip
ng bawat isa, inaawit sa mga inapo,
gaya ng Paraiso sa epiko. Naisip ko, kung mapapasok
ang utak ng bawat nakasasakay sa dyip, halimbawa,
maiguguhit ko ang totoong mapa ng Kundiman.
Kita mo, bumabalik ang lahat sa aking isip, sa iyo, kung gayon, kung totoong nasa isip nga lamang kita. Namin. Binabasa ko ang iba, gaya ni Tiempo (may sarili rin siyang ikaw sa isip niya), subalit nasaan ang hanggahan ng pakikinig ko sa kanila? (“Ang makinig sa sabi-sabi…”) Ikaw na nga kaya ang “bait” na kailangan para sa katinuan nitong sarili?