Hindi Na Ako Makakasali sa Gawad Likhaan at Palanca

Ngayon lang, nagpasya akong hindi na talaga ako makakasali sa Gawad Likhaan: The UP Centennial Literary Prize at Palanca para sa nobela. Nasa apat siguro ang kilala kong nagtatapos ngayon ng nobela para isali sa Gawad Likhaan: The UP Centennial Literary Prize na nag-extend ng deadline mula sa dating Marso 31 para maging Abril 30, kasabay ng deadline ng Palanca na nagkataong may kategorya rin ng Nobela ngayong taon. Ni hindi pa ako nangangalahati sa isinusulat ko. Ayoko namang madaliin para sa kontes (kahit nakakaengganyo ang PhP200,000 na premyo ng UP). Medyo malaki ang ambisyon ko para sa ikalawang nobelang ito--lalo pa't marami pa akong pananaliksik at pagbabasa na kailangang gawin. Na mahihirapan akong isabay lalo na sa pagsisimula ng summer classes ngayong Lunes--at gaya ng madalas mangyari, overload na naman ako (9 units; 3 klase ng Fil 14!). Hindi na talaga kaya.

Sa ngayon, masaya na akong nile-layout na sa Anvil ang nobela kong Walong Diwata ng Pagkahulog, at maaaring maipadala na raw nila ang unang proofs sa susunod na linggo--sabi sa akin ni Ms. Ani Habulan, na siyang nagko-coordinate ng proyekto pagkatapos kong pumirma ng kontrata sa kanila noong Pebrero. Sana, sana talaga e lumabas na ang nobelang ito ngayong taon. Gusto ko na siyempreng mabasa ito ng mga tao--at excited akong malaman kung paano tatanggapin ng mga mambabasa ang mga pinaggagawa ko sa nobelang iyon.

Pero tuloy pa rin ang pagsusulat ko ng ikalawang nobela, hindi na nga lang kasing-harassed na gaya noong iniintensiyon ko pang isali ito sa Gawad Likhaan. Mas nakakahinga na ako ngayon.

At ako pa rin ang unang-unang mag-aabang sa mga mananalo para sa nobela sa UP at Palanca ngayong taon. Wala pa man, alam na nating magiging mahalaga ang posisyon ng mga iyon sa kasaysayan ng nobela sa Pilipinas.