Ang Tinig ng Bata sa Nobela

Ayon kay David Lodge, skaz ang tawag sa pagsasalaysay sa unang panauhan na may katangian ng, “spoken rather than the written word” (The Art of Fiction, 18). Nangangailangan ng kakaibang tainga ang ganitong istratehiya sa naratibo: isang kakayahan ng pandinig na tumuklas sa samotsaring bagahe na bitbit ng diyalogo: ang katauhan ng nagsasalita kasama ang salimuot ng kaniyang mga damdamin bunga ng iba’t ibang karanasan, ang panahon at lokasyon na pinagbukalan ng gayong uri ng pagbigkas, at kahit ang pagsasaalang-alang sa (posibilidad ng) inaasahan ng mismong tagapakinig. Sa kontemporanyong nobelang Tagalog, skaz ang istratehiya na ginamit ni Jun Cruz Reyes sa marami sa kaniyang maiikling katha, at maging sa kaniyang dalawang nobela, ang Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe (1987) at Etsa-puwera (2001).

Gayumpaman, naunang napagtagumpayan ni Tony Perez ang skaz sa kaniyang nobelang Cubao 1980, bagaman nito na lamang dekada 90 ito nalathala sa isang aklat. Sa pagsasanib ng bisa ng naturalismo at skaz sa akda ni Perez, napalitaw ang tinig ng bata na nagsasalaysay ukol sa kaniyang pinakapribadong karanasan habang nagmamasid din nang may magkasabay na pagmamalay at kawalang-muwang sa kaniyang paligid. Para kay Perez, isa itong katha na nasa “antas na sensuwal,” kung saan nagsisimula ang “pagkakakilala ng isang tao sa kapuwa.” Isang pagkakataon ang nobela ni Perez upang pag-isipan ang ambag ng naturalismo, partikular sa tinig ng bata, sa sining ng pagkatha sa nobela.

Bukas: Pagbabalik sa Cubao 1980